Pages

Friday, May 25, 2012

Clueless

Nabanggit ko na ata na galing ako sa isang malaking angkan. At since isa ako sa mga pinakabata sa aming magpipinsan, karamihan sa kanila, pamilyado na. Mayroon ng kanya kanyang pamilya at malalaki na ang mga anak, kung malaki ng matatawag ang may anak ka ng papasok sa kolehiyo. :D

Hindi kami mayaman. Alam naming lahat na magpipinsan iyon. Mga magsasaka ang mga Lolo at mga tatay namin, sanay ang mga pinsan ko na magbanat ng buto sa bukid, magtiis sa kung anong meron sa hapag, at higit sa lahat maging kuntento kung ano man ang mayroon kami.

Isa ako sa mga mapalad na nakapagtapos ng kolehiyo, kasi bukod sa biniyayaan ako ng konting katalinuhan, haha, binonggahan naman ni Bro ang lakas ng loob ko at ang tiwala ko sa sarili at sa mga pangarap ko. Ang kaibahan nga lang, laki ako sa Maynila, kaya kung siguro laki ako sa probinsiya, baka naging magsasaka narin ako. Pero hindi naman siguro magandang tignan ang magsasaka na nagtsutsunami walk sa gitna ng bukirin kaya kahit anong problema dumating sa kin, pinaglaban ko ang mga pangarap ko.

Masaya akong umuuwi sa province. Happy ako na nagpapasalubong ng dunkin donuts sa napakaraming pamangkin, nagpapameryenda sa buong angkan, magpapamasko kahit na walang matira para sa akin, nagbibigay ng pamalengke sa Mama ko tapos lulutuin niya lahat ng paborito kong pagkain para kainin namin lahat, at higit sa lahat, masaya akong kasama lang sila. Hindi naman kasi araw araw na asa province ako e, siguro maraming beses na ang tatlong beses sa isang taon, kaya kahit na maghirap ako sa bawat bisita ko sa Canda, okay lang, minsan lang naman e.

Ang hindi ko lang kinaya ay nung lapitan ako ng Asawa ng pinsan ko para lang sabihin sa akin na tulungan ko ang anak niya sa susunod niyang sem sa college. Noong una ayaw kong maniwala, kasi habang sinasabi niya sa akin ang mga iyon, lasing si Koya. Pero noong hiningi na ng pinsan ko ang cellphone number ko, doon na talaga ako kinabahan. Tapos parang nalamatan na ang masaya kong mood kasi nga hindi ko alam kung paano ako magrereact.

Hindi naman ako madamot. Pero minsan, ang panget kasi kapag asa Manila ka, iniisip ng mga tao sa province na sobrang nabago na ang buhay mo, na big time ka na, at wala ka ng masyadong pinoproblema. Kung alam lang nila, diba? Lahat ng bagay dito sa Manila ginagastusan, siguro ang libre nalang ata ay ang hangin at ang mga pangarap. Pero siyempre hindi mo naman pwede sabihin yun. Kasi nga kahit papaano, kadugo mo, at kung mahirap makipagaway, mas mahirap makipagaway sa mga kadugo.

Sabi ng Mama ko, huwag ko nalang daw pansinin. Pero siyempre parang ang hirap naman na hindi na nga ako umimik ng kahit ano, aasa naman sila. Sabi pa ng Tiya ko, ang asawa daw ng pinsan ko na humingi ng tulong sa akin ay tamad, hinahayaan nalang ang pinsan kong babae ang magtanim ng sitaw sa ilalim ng naglalagablab na init ng araw habang siya ay nagpapahinga sa loob ng bahay kasi nga daw, mainit. Sabihin mo sa akin kung paano ako mamomotivate na tulungan siya?

Alam ko na mahirap ang buhay, at sobrang hirap ang magtapos ng pagaaral kapag hindi naman kayo kayamanan. Pero kahit kailan, hindi ko hinayaan ang pagiging mahirap namin na humadlang sa mga pangarap ko. Magiging mas mahaba lang ang post na ito pag kinuwento ko pa ang mga pinagdaanan ko, pero ang punto ko lang naman ay, kahit kailan kapag gusto mo gawin ang isang bagay, ano mang sagabal ang kaharapin mo, kakayanin mo. Kinaya ko, at kahit papano napagtagumpayan ko siya.

Pagbalik ko sa Manila, iniisip ko na ang magandang paraan para hindian ang pinsan ko. Yung tipo bang hindi sila masasaktan, hindi ako magiging mayabang, hindi ako masusumbatan at higit sa lahat, hindi magiging issue sa pamilya namin. Siguro hindi ko matutulungan ang pamangkin ko para bayaran ang gastusin niya, pero matutulungan ko siya kung paano niya ipaglalaban ang mga pangarap niya.

At siguro sa mga panahon ngayon, isa sa mga importanteng bagay na matutulong mo sa tao ay ang mangarap at tulungan siyang abutin ito na hindi ka naman madedehado. Paano yun? Hindi ko sure, pero siguro if it works, asahan niyo nalang na may karugtong ang post na ito. :D

6 comments:

  1. isa lang ang napatunayan ko .. mabuting tao ka..

    kasi affected ka eh.

    kahit ayaw mo at the back of your mind ayun ... ngdadalwang isip ka pa din ..hehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. Parang ganun na nga... Pero mas nangingibabaw pa rin na hindi ko kakayanin. :)

      Delete
  2. Sabi nga ni Confucius di ba, "Give man fish, and he'll live for a day. Teach man how to fish, and he'll live for a lifetime." ~chos!

    ReplyDelete
    Replies
    1. True. Well, Ganun naman siguro talaga. :)

      Delete
  3. Naging ugali na din kasi ng mga Pilipino na umasa sa mga kamag-anak na medyo nakakaangat. Kaya tingin ko kakailanganin mo ng matibay na loob, kasi kung katulad sila ng mga kamag-anak ko (at ng maraming pamilyang Pilipino) pag tinanggihan mo sila, kahit gaano mo kaganda sabihin, ikaw pa rin ang masama.

    Sa amin natutunan ko ng tigasan yung loob ko sa mga ganung salita. Natutunan na rin nila na hindi nila ko basta basta mahihingan. Kung gusto ko, tutulong ako, pero hindi sila ang magdidikta nun. Nadala na din kasi ako kasi yung mommy ko, sobra nilang inabuso sa pagpapaawa. Isang magandang solusyon na pwede mong sabihin sa kanila eh ikaw na lang ang sasagot ng pambili ng mga gamit ng pamangkin mo (pero kung kaya lang ng budget mo). Sa ganung paraan mga once a year lang ang gastos mo. Ganun ginawa ko samin. Siyempre humihingi pa din paminsan minsan, pero mas madali ng tumanggi kasi natupad ko na yung napag-usapan. :)

    Pasensya sa mahabang comment, masyado ata akong naka-relate :))

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hahaha... Okay lang yun Camille, at least alam ko kahit papaano sa napakalaking mundong ito, may nakakaunawa din sa mga pinagdaraanan ko. Badtrip diba? Well, salamat sa feedback, ang mama ko naman natuto na ring maging matigas sa kanila, kaya nga subukan ko nalang ung sinabi nila. Deadma! :)

      Delete